Ako ang Watawat ng Republika ng Pilipinas, sumilang na may araw at mga bituin; bininyagan sa dugo at mga luha, binuhay sa
tapang at pag-ibig. Ako ang sagisag ng iyong kapangyarihan, ang tanda ng iyong kalayaan at ang kaluwalhatian ng iyng diwa.
Hindi ako magiging higit pa kaysa nais mong gawin sa akin; sapagkat ako ay may paniniwala sa iyong sarili, kung ano
ang iyong pag-asang nais makamtan at may lakas na loob na pagsumakitan ito. Ako ang pangarap ng kahapon, ang pagsusumakit
ng kasalukuyan at ang pangitain ng bukas. Naubuhay ako nang may pabagu-bagong kabuhayan; isang buhay na damdamin at
ambisyon, kirot at ng tuwa. Batid ko ang pananalasa ng digmaan at ligaya ng kapayapaan, ang kahihiyan ng pagkatalo at tamis
ng tagumpay. Nakawagayway ako sa aking tagdan sa pagtatagumpay, sa sandaling pinaghaharian ng dakilang tuwa at ligaya ang
buong bansa, at ako ay bumababa sa kalahatian ng aking tagdan, kung ang puso mo ay sakbibi ng dalamhati. Habang kayo
na aking lahi at bansa ay nananatiling buhay, ako man ay mananatiling buhay, sapagkat ako ang iyong kaluluwa; saan man kayo
tumungo, doon din ako tutungo. Habang ako ay nakawagayway sa ibabaw ninyo, nakikita ninyo ako na isang maliwanag na sinag
ng kulay; ang aking bughaw ay matibay sa pananalig at katarungan; ang aking pula ay matingkad, at matapang at may lakas ng
loob, ang aking puti ay nakakasilaw sa kanyang kadalisayan mga uliran; ang aking araw, ay nagpapagunita sa iyo na panatilihing
buhay ang alab ng sulo ng kalayaan; at ang aking mga bituin ay nagbubuklod sa inyo sa isang matatag na pagkakaisa. Diyos at
Ama naming makapangyarihan at mahabagin sa lahat, ito nawa ay mangyari magpakailanman.
|